Walong samahan ng mga mangingisda sa bayan ng Cajidiocan ang tumanggap ng mga kagamitan at materyales pangkabuhayan sa ilalim ng Special Area for Agricultural Development (SAAD) Program–Phase 2 ng Department of Agriculture–Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR).
Kabilang sa mga ipinagkaloob na tulong ang marine engines, boat repair materials, post-harvest equipment at materials, gayundin ang isang smokehouse para sa pagproseso ng isda.
Layunin ng mga ipinagkaloob na kagamitan na palakasin ang kabuhayan ng mga lokal na mangingisda at mapahusay ang paghawak at pagproseso ng kanilang mga huli, lalo na sa panahon ng peak fishing season kung kailan mataas ang produksyon.
Ayon sa Cajidiocan Public Information Office, makatutulong ang mga post-harvest equipment at smokehouse sa pagproseso at pagpapanatili ng kalidad ng mga sobrang huli. Sa ganitong paraan, mababawasan ang nasasayang na pagkain at magkakaroon ng pagkakataon ang mga benepisyaryong samahan na magkaroon ng karagdagang pagkakakitaan.
Inaasahan ding mapapahusay ng mga ipinagkaloob na kagamitan ang mga gawaing pangisdaan at post-harvest ng mga samahan, na magbibigay-daan sa mas maayos na pagproseso at pagpapakinabang sa kanilang mga produktong pangisdaan.


























