Nanguna ang Cantingas River Resort sa San Fernando, Romblon, sa mga tourist attraction sa lalawigan ng Romblon na binibisita ng mga turista matapos makapagtala ng 1,826 na bisita noong Oktubre 2026, batay sa datos ng Provincial Tourism Office.
Malaki ang agwat nito sa iba pang mga destinasyong panturismo sa lalawigan, ayon sa talaan ng Top 10 Tourist Attractions para sa nasabing buwan na inilabas sa ginanap na pagpupulong ng Provincial Tourism Council nitong November 18.
Pumangalawa sa listahan ang Casa del San Fernando, habang pumangatlo ang Looc Marine Sanctuary.
Kabilang din sa sampung pinakadinayong atraksyon sa Romblon ang My Real Boracay (Boraajae), Jungle Adventure Park, Inobahan Beach, at Lanas Beach Resort Bar & Restaurant. Nakapagtala naman ang Cathedral Cave and Cliff ng 125 bisita, Cresta de Gallo ng 93, at Pili Beach Resort ng 42 bisita.
Ipinaliwanag ni Kim Anthony Faderon, Tourism Officer ng lalawigan, na ang naturang datos ay batay lamang sa mga ulat na isinumite sa Provincial Tourism Office at hindi nangangahulugang kumakatawan na ito sa kabuuang bilang ng mga bumisita sa mga naturang destinasyon.


























