Walang nagpositibo sa isinagawang drug testing sa mga regular at elected officials ng Lokal na Pamahalaan ng Calatrava, ayon kay Mayor Bong M. Fabella.
Inihayag ito ni Fabella kasabay ng isinagawang Orientation on Drug-Free Workplace para sa mga empleyado at opisyal ng LGU bilang bahagi ng pagdiriwang ng 126th Philippine Civil Service Month.
Layunin ng aktibidad na palakasin ang kaalaman, kamalayan at responsibilidad ng bawat kawani at opisyal sa pagpapanatili ng ligtas, malusog, responsable, produktibo at drug-free na workplace.
Pinangunahan ni Mayor Fabella ang aktibidad kasama ang mga kinatawan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) MIMAROPA.

Ayon kay Fabella, sumailalim sa drug testing ang lahat ng regular at elected officials ng lokal na pamahalaan at walang naitalang nagpositibo.
Binigyang-diin ng alkalde ang mahalagang papel ng bawat kawani at opisyal sa pagpapanatili ng isang maayos, ligtas at produktibong workplace bilang bahagi ng kanilang responsibilidad bilang mga lingkod-bayan.
Nagkaroon din ng orientation tungkol sa Healthy Workplace Program ng PDEA, na naglalayong itaguyod ang isang lugar ng trabaho na hindi lamang ligtas sa droga kundi nagbibigay-halaga rin sa kalusugan, kapakanan, dignidad, disiplina, pagkakaisa at pagiging responsable ng bawat lingkod-bayan.


























Discussion about this post