Nasawi nitong Biyernes, October 2, ang 45-anyos na babae na biktima ng pananakit sa Sitio Ilaya, Barangay Marigondon, Cajidiocan, Romblon noong September 19, 2026, habang patuloy namang pinaghahanap ng mga awtoridad ang lalaking itinuturong suspek sa insidente.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Cajidiocan Municipal Police Station (MPS), nagtungo ang biktima sa pangunahing kalsada dakong alas-9:45 ng gabi noong September 19 upang maayos na maiparada ang kanyang motorsiklo.
Habang dumaraan sa madilim na bahagi ng daan malapit sa isang sapa, nakarinig umano ng sigaw ang mga anak ng biktima. Agad silang nagtungo sa lugar at natagpuan ang kanilang ina na walang malay at duguan ang mukha, na may mga laceration at iba pang pinsala sa mukha at ulo dulot ng matinding puwersa.
Ayon sa pulisya, nakita umano ng isa sa mga anak ang isang lalaki na tumatakbo palayo sa lugar, na nakilala bilang isang taong dati umanong romantically involved sa biktima.
Agad na dinala ang babae sa Sibuyan District Hospital para sa paunang lunas. Dahil sa tindi ng kanyang mga pinsala, inilipat siya sa Romblon Provincial Hospital sa Odiongan sa pamamagitan ng sea ambulance para sa karagdagang gamutan. Gayunman, binawian din siya ng buhay nitong Biyernes.
Patuloy na nagsasagawa ng follow-up investigation at hot-pursuit operation ang Cajidiocan MPS upang matunton ang tinutukoy na suspek, isang 38-anyos na may-asawa, tricycle driver at residente rin ng Barangay Marigondon.
Patuloy ding iniimbestigahan ng pulisya ang posibleng motibo sa insidente. Kabilang sa mga tinitingnang anggulo, batay sa mga paunang pahayag na nakalap, ang umano’y selos.
Hindi pa nahuhuli ang suspek at nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa kaso.


























