Nagbukas ng panibagong Negosyo Center ang Department of Trade and Industry (DTI) sa lalawigan ng Romblon upang higit pang mapalawak ang serbisyong ibinibigay sa mga Romblomanon, lalo na sa mga nagnanais magsimula at magpalago ng kanilang negosyo.
Matatagpuan ang bagong Negosyo Center sa PGR Multi-Purpose Building sa Kapitolyo ng Romblon, Romblon.
Ito ang ika-14 na Negosyo Center na binuksan ng DTI sa buong lalawigan bilang bahagi ng patuloy nitong programa para suportahan ang micro, small, and medium enterprises (MSMEs).
Layunin ng Negosyo Center na maghatid ng tatlong pangunahing serbisyo: business registration facilitation, business advisory services, at business information, advocacy, and promotion. Bukod dito, inaasahang magsisilbi rin itong isang komprehensibong enterprise development hub na magbibigay ng mas pinalawak na suporta sa product development, business upgrading, investment promotion, market access, at inobasyon.
Tutulong din ang nasabing pasilidad sa pagbibigay ng value-adding interventions para sa MSMEs, kabilang ang pagpapahusay ng packaging at labeling, pagsunod sa quality at standards compliance, paghahanda sa investment, at pag-uugnay sa mga institusyong pampinansyal at potensyal na mga mamumuhunan.
Pinangunahan ang inagurasyon ng bagong Negosyo Center nina Governor Trina Firmalo-Fabic, Vice Governor Armando Gutierrez, at DTI MIMAROPA Regional Director Amormio Benter, kasama ang iba pang opisyal ng pamahalaan at kinatawan ng sektor ng negosyo.
Kasabay ng pagbubukas ng pasilidad, nilagdaan din ng DTI at Pamahalaang Panlalawigan ng Romblon ang isang Memorandum of Agreement (MOA) upang pormalin ang kanilang partnership sa operasyon at pamamahala ng bagong Negosyo Center, na inaasahang higit pang magpapalakas sa suporta sa mga lokal na negosyante sa lalawigan.





































Discussion about this post