Arestado ang isang high-value target sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Sawang, Romblon, Romblon kahapon, Enero 13.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Tito,” 37 taong gulang, matapos umanong mabilhan ng ipinagbabawal na droga ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Romblon Provincial Office katuwang ang Provincial Drug Enforcement Unit ng Romblon Police Provincial Office, Romblon Municipal Police Station–Municipal Drug Enforcement Unit, at PNP Maritime Police Station Romblon.
Sa ulat ng PDEA, nakumpiska mula sa suspek ang pitong heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 2 gramo, na may tinatayang halagang P13,600.
Siya ay kasalukuyang nakakulong at nasa kustodiya ng mga awtoridad para sa tamang dokumentasyon at disposisyon ng kaso.
Mahaharap ang suspek sa mga kasong paglabag sa Sections 5 (Sale of Dangerous Drugs) at 11 (Possession of Dangerous Drugs), Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.


































