Sumasailalim sa Masonry National Certificate (NC) II Skills Training ang 25 persons deprived of liberty (PDLs) sa Romblon District Jail bilang bahagi ng programa ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na naglalayong ihanda sila para sa maayos na pagbabalik sa lipunan.
Sinimulan ang pagsasanay noong Disyembre 26 at tatagal hanggang Pebrero 2. Saklaw ng training ang mga pangunahing kaalaman at praktikal na kasanayan sa masonry tulad ng tamang pamamaraan sa konstruksiyon, wastong work practices, at disiplina sa lugar ng trabaho.
Ayon sa kay Jail Officer 3 Joefrie Anglo, spokesperson ng BJMP Mimaropa, hindi lamang teknikal na kasanayan ang layunin ng programa kundi pati ang pagpapaunlad ng disiplina, kumpiyansa sa sarili, at pagbibigay ng pag-asa sa mga PDLs upang maging handa sila sa paghahanap ng trabaho matapos ang kanilang reintegrasyon sa komunidad.
Bahagi ang nasabing pagsasanay ng patuloy na rehabilitation programs ng BJMP na nakatuon sa edukasyon at kabuhayan, alinsunod sa mandato nitong itaguyod ang kapakanan at repormasyon ng mga taong nasa kustodiya nito.
Nagpasalamat naman ang pamunuan ng Romblon District Jail sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Romblon at sa Romblon National Institute of Technology (RNIT) sa patuloy na suporta at pakikipagtulungan sa programa. Ayon sa BJMP, mahalaga ang ganitong mga partnership upang mabigyan ang mga PDLs ng nationally recognized skills na magsisilbing pundasyon sa kanilang panibagong simula pagkatapos ng pagkakakulong.
Binigyang-diin pa ng BJMP na nananatiling mahalagang bahagi ng kanilang rehabilitasyon ang mga skills training program upang matiyak na ang mga PDLs ay makababalik sa lipunan bilang produktibo at masunurin sa batas na mamamayan. (PR)





































Discussion about this post