Pinabulaanan ni dating Senador Antonio Trillanes IV ang mga ulat na hinimatay umano at natagpuang walang malay si dating Pangulong Rodrigo Duterte habang nasa kustodiya ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.
Ayon kay Trillanes, walang katotohanan ang naturang ulat at tiniyak niyang may nakahandang medical team sa loob ng detention facility ng ICC, gayundin ang mga ambulansyang nakaabang sa labas upang agad na makaresponde sa anumang emerhensiya.
“Mayroon silang kumpletong pasilidad at mga doktor na nakatalaga sa loob. Ilang minuto lamang ang layo ng ospital mula sa ICC kaya imposibleng hindi agad matulungan ang sinumang detainee na mangangailangan ng medikal na atensyon,” paliwanag ni Trillanes.
Binigyang-diin din ng dating senador na walang basehan ang kumakalat na impormasyon tungkol sa umano’y problema sa memorya ni Duterte, sa kabila ng pahayag ni Atty. Nicholas Kauffman, abogado ng dating pangulo, na may tinutukoy umanong “cognitive deficiencies” ito.
Ang paglilinaw ni Trillanes ay kasunod ng pahayag ni Vice President Sara Duterte, na nagsabing natagpuan umano ang kanyang ama na walang malay sa sahig ng kanyang detention room at isinailalim sa mga laboratory test upang masuri ang kalagayan.
Ayon pa sa Bise Presidente, hindi agad ipinaalam sa pamilya ang nangyari at wala ring paliwanag na ibinigay ng ICC hinggil sa umano’y insidente. Kinuwestiyon din niya ang umano’y kabiguan ng ICC na agad tumugon sa mga simpleng pangangailangang medikal ng dating pangulo, kabilang ang reklamo sa ingrown toenail nito.
Discussion about this post