Isang itim na bag na naglalaman umano ng 16 kilo ng hinihinalang high-grade marijuana ang natagpuan na palutang-lutang sa karagatan malapit sa Sabina Shoal sa West Philippine Sea, ayon sa Philippine Navy.
Batay sa ulat, nakatanggap ng impormasyon noong Oktubre 17 ang Maritime Civilian Armed Forces Geographical Unit Active Auxiliary Unit–West (MCAAU-W) tungkol sa naturang bag na pinaniniwalaang naglalaman ng ilegal na droga.
Agad itong iniulat sa Western Naval Command, na nag-utos sa BRP Lolinato To-Ong na puntahan ang lugar. Natagpuan at nakuha ng mga tauhan ng Navy ang bag noong umaga ng Oktubre 18.
Ipinasa naman ng Philippine Navy at ng Provincial Intelligence Unit (PIU) ng Palawan Police Provincial Office (PPO) ang nasabing bag sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)–Palawan sa Puerto Princesa City noong Oktubre 20 para sa pagsusuri at tamang disposisyon.
Sa inisyal na pagsusuri ng PDEA, ang bag ay naglalaman ng 32 plastic packs ng hinihinalang high-grade marijuana kush na may tinatayang street value na ₱19.2 milyon.
Patuloy na isinasagawa ng ahensya ang laboratory examination, field testing, at opisyal na imbentaryo ng mga nakumpiskang droga bilang bahagi ng proseso bago ito tuluyang sirain alinsunod sa batas.
Discussion about this post