Opisyal nang naisabatas ang panukalang nagbibigay ng libreng serbisyong libing para sa mga mahihirap na Pilipino, matapos itong tuluyang maging batas kahit walang pirma ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ayon sa Malacañang nitong Lunes.
Kinumpirma ni Palace Press Officer Claire Castro na ang naturang panukala ay lapsed into law at naging Republic Act No. 12309 noong Setyembre 28, batay sa tala ng Senado.
Ang pagpapatupad ng bagong batas ay kasabay ng nalalapit na paggunita ng Undas, kung kailan milyon-milyong pamilya ang nag-aalay ng respeto sa kanilang mga yumao.
Sa ilalim ng RA 12309, sasagutin ng pamahalaan ang gastos sa libing ng mga pamilyang kabilang sa mga indigent o nasa krisis, kabilang na ang mga biktima ng kalamidad o emerhensiya, ayon sa pagtukoy ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Lahat ng accredited funeral homes sa bansa ay obligadong mag-alok ng isang “indigent funeral package”, na maaaring maglaman ng serbisyo tulad ng embalming, kabaong o urn, transportasyon, at iba pang pangunahing pangangailangan sa libing.
Ang DSWD ang magbabayad o magre-reimburse sa mga funeral establishment batay sa kasunduang pipirmahan sa pagitan ng benepisyaryo at ng serbisyong tagapagbigay.
Upang makakuha ng benepisyo, kailangang magsumite ng mga dokumentong tulad ng valid ID, death certificate, kontrata sa funeral service na pirmado ng DSWD personnel, at social case study mula sa isang lisensyadong social worker.
Itatalaga naman ang Department of Trade and Industry (DTI) upang i-regulate ang presyo ng mga serbisyong libing at maiwasan ang overpricing, habang ang DSWD ang mangunguna sa pagpapatupad ng programa.
Ang mga funeral homes na lalabag — gaya ng pagtangging magserbisyo o sobrang paniningil — ay maaaring mapatawan ng multang hanggang ₱400,000 at suspensyon o pagkansela ng business permit.
Sakaling mapatunayang nagsumite ng pekeng claim ang alinmang pamilya o funeral home, maaari silang makulong.
Ang paunang pondo para sa programa ay magmumula sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) budget ng DSWD, at isasama sa taunang pambansang pondo ang susunod na alokasyon.
Inaatasan ang DSWD na maglabas ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng batas sa loob ng 60 araw mula nang ito ay maging epektibo.



































