Magkakaloob ng ₱27.1 milyon na tulong ang Department of Agriculture (DA) MIMAROPA para sa mga magsasakang labis na naapektuhan ng habagat na pinatindi ng mga bagyong Mirasol, Nando, at Opong.
Ayon kay Engr. Maria Teresa Carido, Disaster Risk Reduction and Management focal person ng DA MIMAROPA, mahigit 21,000 magsasaka sa buong rehiyon ang apektado, na sumasaklaw sa halos 28,000 ektaryang taniman.
Sa Romblon, umabot sa ₱2.82 milyon ang pinsala sa sektor ng agrikultura, kabilang ang mga pananim na palay at mais.
Kabilang sa tulong na ipamamahagi ng ahensya ang mga binhi ng palay, mais, at gulay, pestisidyo, abono, at mga organikong pataba upang maibalik ang produksyon at mapanatili ang seguridad sa pagkain.
Bukod sa agarang ayuda, nakikipag-ugnayan din ang DA MIMAROPA sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) para sa kabayaran ng mga insured farmers, at sa DSWD para sa karagdagang tulong sa mga apektadong magsasaka.



































