Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act 12252, isang batas na nagsasagawa ng amiyenda sa Investors’ Lease Act.
Ang batas ay naglalayong pahintulutan ang mga dayuhang mamumuhunan na umupa ng pribadong lupa sa Pilipinas nang hanggang 99 taon para sa mga negosyong makatutulong sa pag-unlad ng ekonomiya gaya ng pabrika, planta, agro-industrial projects, turismo, at iba pang kaugnay na proyekto.
Ngayon, maaaring magrenta ang mga foreign investors ng lupa nang mas matagal kumpara sa dati, ngunit may ilang kundisyon na kailangang sundin. Kabilang dito ang pagiging rehistrado ng investment sa isang government agency tulad ng Board of Investments, malinaw na pagtukoy sa haba at lawak ng kontrata, at ang agarang pagsisimula ng proyekto.
Ang kontrata ay awtomatikong kino-kansela kung hindi ito natupad sa itinakdang panahon o ginamit sa maling paraan ang lupa. Bukod dito, kinakailangan ding irehistro ang lahat ng lease at sublease sa Registry of Deeds upang maging legal at protektado ang mga ito.
Hindi rin awtomatikong nare-renew ang kontrata. Nangangailangan ito ng kasunduan ng parehong panig at patunay na ang investment ay may positibong epekto sa ekonomiya at lipunan bago mapalawig ang lease agreement.
Para sa mga proyekto sa turismo, ang mga dayuhang mamumuhunan ay dapat mag-invest ng hindi bababa sa limang milyong dolyar. Sa mga proyektong ito, 70% ng puhunan ay kailangang maipasok sa loob ng tatlong taon. Pinapayagan din ang sublease kung papayagan ng may-ari at ito ay rehistrado rin.
Layunin ng batas na hikayatin ang mas maraming dayuhang mamumuhunan na maglagak ng puhunan sa Pilipinas habang sinisiguro na mapoprotektahan ang lupa at ang interes ng mga Pilipino. Ang batas ay isang hakbang upang mapalawak ang saklaw ng mga investment at pasiglahin ang ekonomiya sa bansa.
Discussion about this post