Itinalaga ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang dalawang miyembro ng bagong tatag na Independent Commission for Infrastructure (ICI) na magsisiyasat sa umano’y katiwalian sa mga flood control project ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa nakalipas na sampung taon.
Inanunsyo ng Malacañang nitong Sabado ang pagtatalaga kay dating DPWH Secretary Rogelio L. Singson at SGV and Co. Country Managing Partner Rossana A. Fajardo bilang mga kasapi ng komisyon. Itinalaga rin si Baguio City Mayor Benjamin Magalong bilang Special Adviser na gaganap bilang imbestigador ng ICI.
Sa bisa ng Executive Order No. 94 na nilagdaan noong Setyembre 11, binuo ang ICI upang magsagawa ng imbestigasyon at magrekomenda ng nararapat na kaso laban sa mga opisyal, kawani ng gobyerno, o indibidwal na masasangkot sa iregularidad sa flood control at kaugnay na proyekto ng DPWH.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, personal na iaanunsyo ng Pangulo sa mga susunod na araw kung sino ang uupong chairperson ng komisyon.
Si Singson ay nagsilbing kalihim ng DPWH mula 2010 hanggang 2016 at namuno rin sa Bases Conversion and Development Authority (BCDA) mula 1998 hanggang 2002. Kilala siya sa pagpapatupad ng mga reporma para sa transparency at wastong paggamit ng pondo ng bayan.
Samantala, si Fajardo, na may higit tatlong dekada ng karanasan sa auditing at risk management, ay kasalukuyang Country Managing Partner ng SGV and Co. Naging katuwang siya ng iba’t ibang ahensya at pribadong sektor sa pagtukoy ng iregularidad at pagpapatibay ng pamamahala.
Si Magalong naman ay dating Deputy Director General ng Philippine National Police (PNP) at naging pinuno ng PNP Criminal Investigation and Detection Group. May malawak siyang karanasan sa imbestigasyon at pagpapatupad ng reporma sa law enforcement.
Discussion about this post