Ipinag-utos ng Malacañang na agad simulan ng bagong tatag na Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang pagsisiyasat sa mga umano’y iregularidad at anomalya sa mga flood control at kaugnay na proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa nakalipas na sampung taon.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), layon ng pamahalaan na matapos ang imbestigasyon sa loob ng ilang buwan.
Inihayag ng Palasyo nitong Sabado na itinalaga ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sina dating DPWH Secretary Rogelio L. Singson at SGV and Co. Country Managing Partner Rossana A. Fajardo bilang mga miyembro ng ICI. Itinalaga rin si Baguio City Mayor Benjamin Magalong bilang Special Adviser ng komisyon.
“The Commission will begin its work immediately,” ayon kay PCO Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa isang press briefing.
Dagdag niya, gagawin ng ICI ang imbestigasyon sa pinakamabilis na paraan, bagaman malawak ang sakop ng mga dokumento at rekord na dapat pag-aralan. “Wala pong masasabi agad na timeline… mas mainam po matapos ito sa loob lamang ng ilang buwan,” ani Castro.
Sa ilalim ng Executive Order No. 94 na nilagdaan noong Setyembre 11, inatasan ang ICI na magsagawa ng imbestigasyon, mangalap ng ebidensya at impormasyon, at magrekomenda ng pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga opisyal, kawani, o indibidwal na masasangkot. Maaari ring maghain ng rekomendasyon ang komisyon para sa mga reporma upang masiguro ang transparency at accountability sa mga proyekto ng imprastruktura.
Inaasahang iaanunsyo ng Pangulo sa mga darating na araw kung sino ang uupong chairperson ng ICI.
Binigyang-diin ng Malacañang na magiging patas at masusi ang gagawing imbestigasyon ng komisyon. “Walang sasantuhin dito kahit kamag-anak, kaibigan, kaalyado. There will be no sacred cows,” sabi ni Castro.
Discussion about this post