Kinumpirma ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na nagsumite na ng kani-kanilang courtesy resignation ang lahat ng opisyal ng ahensya, kabilang na ang mga nasa MIMAROPA region.
Sa pagdinig ng House Committee on Appropriations kaugnay ng panukalang pondo ng DPWH ngayong Biyernes, sinabi ni Dizon na nasa kanyang opisina na ang 100% ng resignation letters.
“100% na pong nag-submit at we are now in the process of reviewing [their courtesy resignations],” ani Dizon.
Matatandaang ipinag-utos ni Dizon ang pagpapasa ng courtesy resignation ng mga undersecretary, regional director, assistant regional director, district engineer, at assistant district engineer ng DPWH upang mabigyang-daan ang masusing pagsusuri sa kanilang panunungkulan.
“Kahapon lang po, mayroon na po tayong mga tinanggal at pina-dismiss at makakaasa pa po tayong merong mga susunod po sa mga susunod na araw at susunod na linggo,” dagdag ng kalihim.