Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Lunes na araw-araw magpupulong ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) upang mapabilis ang imbestigasyon sa mga umano’y iregularidad sa flood control projects, at agarang matugunan ang mga reklamo ng publiko bago mawalan ng saysay ang impormasyon.
Sa isang press briefing sa Malacañang, sinabi ng Pangulo na pormal nang naorganisa ang ICI na pinamumunuan ni retired Supreme Court Associate Justice Andres B. Reyes, kasama sina dating Public Works Secretary Rogelio Singson at SGV & Co. Managing Partner Rossana Fajardo bilang mga miyembro. Itinalaga rin si Baguio City Mayor Benjamin Magalong bilang special adviser na magsisilbing imbestigador sa mga kuwestiyonableng proyekto.
“I’m very encouraged… all of them are in agreement that we have to move very quickly and we have to get something done as quickly as possible,” ani Pangulong Marcos. Dagdag pa niya, mahalagang agad pag-aralan ang mga reklamo mula sa programang Isumbong Mo sa Pangulo upang hindi mawalan ng kabuluhan ang mga ito.
Binigyan ng kapangyarihan ang ICI na magsumite ng subpoena upang makatawag ng mga saksi at makakuha ng mga dokumento, ngunit wala itong contempt powers dahil isa itong investigative body at hindi prosecutorial. Ang mga magiging resulta ng imbestigasyon ay isusumite sa Ombudsman, Department of Justice, o Civil Service Commission para sa nararapat na aksyon.
Binigyang-diin ng Pangulo na hindi makikialam ang Palasyo sa trabaho ng komisyon upang mapanatili ang pagiging independiyente nito.
Ayon kay Marcos, saklaw ng imbestigasyon ng ICI ang flood control at kaugnay na mga proyekto sa nakalipas na sampung taon dahil limitado sa parehong panahon ang pagtatago ng records ng Commission on Audit (COA). Bukod dito, nais din ng pamahalaan na matukoy kung paano nagsimula ang umano’y sistematikong katiwalian.
“Isa sa napakahalaga para sa akin ay malaman paano tayo napunta sa ganito… Papaano nangyari ito na ganito ang naging bidding? Papaano nangyari na ganito ang naging pagbigay ng kontrata? How did this evolve?” ani ng Pangulo.
Discussion about this post