Sasampahan ng kaso ni Senador Jinggoy Estrada si dating Bulacan 1st District Assistant Engineer Brice Hernandez matapos siyang idawit sa umano’y anomalya sa flood control projects.
Sa isang pulong-balitaan, sinabi ni Estrada na kakonsulta siya sa kanyang mga abogado para sa kasong isasampa laban kay Hernandez. Giit ng senador, walang katotohanan ang pahayag ng dating opisyal na umano’y nagbaba siya ng ₱355 milyon para sa ilang proyekto sa Bulacan ngayong 2025.
Ayon kay Estrada, posibleng personal na gantihan lamang siya ni Hernandez matapos nitong patawan ng contempt sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee. Nilinaw din niya na ang pondong tinutukoy ay bahagi ng General Appropriations Act at hindi maanomalyang proyekto.
Binigyang-diin pa ni Estrada na maaaring nakuha ni Hernandez ang kanyang paratang mula sa naging biro ni Senador Rodante Marcoleta na “safe ka na” nang sabihin ni kontraktor Curlee Discaya na walang senador na sangkot sa flood control anomaly.
Samantala, dumepensa rin si Senador Joel Villanueva matapos madawit ni Hernandez. Giit niya, hindi siya natatakot sa anumang imbestigasyon at naninindigang wala siyang tinatago. Aniya, matagal na niyang tinutuligsa ang flood control program ng pamahalaan na aniya’y palpak, bagay na mismong kinilala ng Pangulo sa kanyang mga talumpati.
Dagdag ni Villanueva, handa siyang madungisan o batikusin kung ito ang magiging daan upang tuluyang maresolba ang problemang paulit-ulit na dulot ng pagbaha sa Bulacan at iba pang lugar.
Matatandaang una nang pinatawan ng contempt si Hernandez sa Blue Ribbon hearing matapos umamin na nagsinungaling siya tungkol sa pagsusugal sa casino. Lumabas din na gumamit umano siya ng pekeng pagkakakilanlan para makapasok sa mga casino.
Discussion about this post