Nakatakdang lumahok ang Team Romblon sa Under-16 MIMARO Regional Football Association Domestic Qualifying Tournament na gaganapin sa Calapan City, Oriental Mindoro sa darating na Agosto 23–24, 2025.
Kalahok din sa torneo ang mga koponan mula sa Occidental Mindoro, Marinduque, at ang host province na Oriental Mindoro. Ang kumpetisyon ay opisyal na sanctioned ng Philippine Football Federation (PFF).
Bubuuin ang Team Romblon ng mga piling mag-aaral mula sa Romblon National High School, kabilang sina Vincent Moron, Rainer Rotoni, LJ Rafael Villanueva, Aljo Escalada, Arsenio Dela Cruz, Francis Jasphyr Sy, James Harris Magada, Kurt Eleazar Madali, Jan Aljur Mortel, Jashmyrr Sean Mirabete, Jhon Albert Fajiculay, Jhon Steven Teodoro, Jose Miguel Manzo, Luke Brion Madrona, Prince Carl Madeja, at Vincent Nicko Riano. Kasama rin sa lineup si Ivan Liao mula sa Cajidiocan National High School. Pangungunahan ang koponan ni Coach Louiejohn Valeroso bilang head coach, katuwang si Francis Mabasa bilang assistant coach.
Ang magwawaging koponan sa torneo ay magiging kinatawan ng buong MIMARO Region at aabante sa National Finals, kung saan makakaharap ang iba pang regional champions mula sa iba’t ibang panig ng bansa. Ayon sa PFF, ang petsa ng national competition ay iaanunsyo sa mga susunod na buwan.
Matatandaang noong nakaraang Hunyo ay lumahok ang Romblon Football Team sa Under-15 Aboitiz Pitch Football Tournament sa Lipa City, Batangas, kung saan matagumpay nilang naiuwi ang kampeonato.