Nagbalik sa boxing ring ang 46-anyos na si Manny Pacquiao matapos ang apat na taong pahinga, ngunit nagtapos sa majority draw ang laban kontra sa WBC Welterweight Champion na si Mario Barrios noong July 20 sa MGM Grand Garden Arena.
Bagamat mas matanda at matagal na nagpahinga, ipinakita ni Pacquiao na kaya pa rin niyang makipagsabayan sa mas batang kalaban. Mula umpisa hanggang dulo ay dikit ang bakbakan, na umani ng papuri mula sa fans at kapwa boksingero.
Isinuko ni judge Max DeLuca ang score na 115–113 pabor kay Barrios, habang nagbigay ng 114–114 sina Tim Cheatham at Steve Weisfeld kaya nauwi ang laban sa majority draw. Dahil dito, nanatili kay Barrios ang WBC Welterweight Title at nabigo si Pacquiao na maging pinakamatandang kampeon sa welterweight division.
Gayunpaman, binuksan ng kanyang performance ang posibilidad ng laban kontra kay Gervonta “Tank” Davis na may rekord na 30 panalo, walang talo, isang tabla at 28 knockouts, o kay Rolando “Rolly” Romero na may 17 panalo, dalawang talo at 13 knockouts. Ayon sa adviser ni Pacquiao na si Sean Gibbons, bukas din ang kampo sa rematch kay Barrios. Muling lumutang ang pangalan ni Floyd Mayweather bilang potential na kalaban kung sakaling nanalo si Pacquiao.
Samantala, panalo rin ang mga kapwa Pinoy boxer na sina Mark Magsayo at Eumir Marcial. Tinalo ni Magsayo si Jorge Mata Cuellar via unanimous decision, dahilan para makabalik siya sa title contention taglay ang rekord na 28 panalo at 2 talo. Si Marcial naman ay nanalo via third-round knockout kontra kay Bernard Joseph at ngayon ay may perpektong rekord na 6–0, mas lumalapit sa isang world title shot.