Noong Hunyo 18, isang makasaysayang desisyon ang inilabas ng Commission on Elections (Comelec) — kinansela nito ang registration ng Duterte Youth Party-list. Isa itong tugon sa kasong isinampa pa noong 2019 na naglalayong ipawalang-bisa ang pagkakarehistro ng grupo mula pa lamang sa simula, dahil sa mga seryosong paglabag sa mga batayang alituntunin ng proseso.
Sa desisyon ng Comelec, binigyang-diin nila na “Hindi maaaring magtago ang Duterte Youth sa madaliang dahilan na hindi ito inutusan ng Komisyon na ilathala ang kanilang Petition for Registration o na hindi pa itinakda ang isang pagdinig, dahil nagpapakita ito ng kakulangan ng partido sa pagiging bukas at pananagutan.” Sa madaling salita, hindi puwedeng gawing dahilan ang kakulangan ng paalala mula sa Comelec para takasan ang responsibilidad na magsapubliko ng mga dokumento — isang pundasyong prinsipyo ng transparency. Pero higit pa sa usapin ng teknikalidad ang tunay na dahilan kung bakit tama lang ang desisyong ito.
Ang Duterte Youth, o Duty to Energize the Republic through the Enlightenment of the Youth, ay tila sinadyang buuin para umangkas sa kasikatan ng apelyidong “Duterte.” Halata naman — pinilit lumikha ng acronym na tumutugma sa apelyido ng dating pangulo upang samantalahin ang political branding ng administrasyon noon.
Ngunit ang higit na nakakabahala ay ang mga isyung bumalot sa kanilang mga opisyal. Sa pinakahuling kaso, si Drixie Mae Suarez Cardema ang itinulak bilang number one nominee ng grupo. Siya ay kapatid ni Ducielle Cardema, na siyang asawa ng chairman ng Duterte Youth na si Ronald Cardema. Ang tanong ng marami: bakit “Cardema” din ang ginamit na apelyido ni Drixie Mae kung Suarez ang tunay niyang apelyido? Hindi naman maaaring parehong asawa ni Ronald, ‘di ba? Ang ganitong pagkalito — o sadyang panlilinlang — ay malinaw na indikasyon ng pagbabaluktot ng sistema para makalusot sa mga patakaran.
Makikita rito ang malinaw na pattern ng pagsisinungaling, pagpapanggap, at pamumulitika — ang kabaligtaran ng prinsipyo ng party-list system na dapat ay nagsusulong ng tunay na representasyon para sa mga marginalized na sektor.
Kaya sa huli, tama lang — at makatarungan — na tuluyang kinansela ng Comelec ang registration ng Duterte Youth. Hindi ito usapin ng pagiging pro o anti-Duterte; ito ay usapin ng integridad, katapatan sa proseso, at pagbibigay halaga sa tunay na layunin ng party-list system. Hindi dapat pinapayagan ang mga grupong ginagawang laruan ang batas para lamang sa pansariling interes at kapangyarihan.
Bagamat hindi pa pinal ang desisyon dahil maaari pa itong i-apela para sa reconsideration ng Duterte Youth sa Comelec en banc, sana ay tuluyan na itong ibasura. At kung may sapat na batayan, dapat ding managot ang mga nasa likod ng party-list na ito sa anumang paglabag na kanilang ginawa.
Discussion about this post