Nagpahayag ng pasasalamat ang mga lider ng lalawigan ng Romblon sa Department of Tourism (DOT) sa pangunguna ni Secretary Christina Garcia Frasco para sa paggawa ng kauna-unahang Ecotourism Park sa Carabao Island. Ang proyekto ay bahagi ng Tourism Champions Challenge (TCC) ng DOT na naglalayong paunlarin ang turismo sa mga piling lugar sa bansa.
Binigyang-diin ni Congressman Eleandro Madrona ang makasaysayang pagbisita ni Secretary Frasco, na aniya ay nagmarka ng bagong yugto sa pag-unlad ng turismo sa isla.
“Ang pagdalaw ni Secretary Cristina Garcia Frasco sa araw na ito ay nag-iiwan ng hindi malilimutang marka sa kasaysayan ng magandang islang ito bilang kauna-unahang Cabinet Secretary na nakarating dito,” ayon sa kanyang mensahe na binasa ni Atty. Erwin Fortunato.
Pinuri rin ng kongresista si Frasco sa pagkilala nito sa potensyal ng Carabao Island at ng buong Romblon bilang destinasyon ng mga turista.
“Ang pormal na pagsisimula ng proyektong ito ay malinaw na senyales na marami pang darating na oportunidad, hindi lang para sa Carabao Island kundi para sa buong probinsya ng Romblon. Maraming destinasyon sa Tablas Island, Romblon, Sibuyan Island, at Gallo Island ang unti-unting sumisikat sa lokal at pandaigdigang turismo,” dagdag pa ni Madrona.
Samantala, sa kanyang mensahe na binasa rin ni Atty. Fortunato, nagpasalamat si Governor Jose Riano kay Secretary Frasco sa pagbisita sa San Jose at sa pagkakapanalo ng bayan bilang ika-4 na pwesto sa TCC noong 2023.
“Isa pong karangalan para sa ating LGU San Jose na mabisita po ninyo, Secretary Frasco. Maraming salamat po sa pagpunta sa magandang islang ito. Congratulations din po sa Bayan ng San Jose dahil kayo ay naka-4th place sa ginanap na Tourism Champions Challenge ng Department of Tourism noong 2023 at nabigyan ng grant para maipatayo ang Eco-Tourism Park dito,” ani Governor Riano.
Para naman kay Mayor Edgon Sombilon ng San Jose, malaking tulong ang proyekto hindi lamang para sa lokal na pamahalaan kundi para sa buong komunidad, lalo na sa mga katutubong grupo na nakilahok sa pagpaplano ng proyekto.
“Ang tagumpay na ito ay hindi lamang para sa pamahalaang bayan, kundi para sa bawat mamamayan ng San Jose, lalo na ang ating mga opisyal, pribadong sektor, at mga katutubong IPs na naging katuwang natin sa buong proseso. Muli, maraming salamat po. Patuloy nating pagtulungan ang pagbuo ng isang mas masiglang, inklusibo at masaganang kinabukasan para sa ating mumunting bayan,” pahayag ng alkalde.
Layunin ng proyektong Ecotourism Park na paigtingin ang pangmatagalang turismo sa Carabao Island sa pamamagitan ng sustainable at community-based na pamamaraan, na magpapalakas sa kabuhayan ng mga residente at magpapataas ng atraksyon ng isla sa mga lokal at dayuhang turista.
Discussion about this post