Dumalo si Governor Jose Riano sa flag raising ceremony ng pamahalaang panlalawigan ngayong Lunes, June 16, upang magpasalamat sa lahat ng empleyado ng pamahalaang panlalawigan ng Romblon sa kanilang walang sawang dedikasyon sa serbisyo publiko mula pa noong siya’y unang manungkulan bilang Bise-Gobernador noong 2013, hanggang sa kanyang termino bilang Gobernador simula 2019.
Sa isang mensahe, pinasalamatan ni Gov. Riano ang mga empleyado para sa kanilang naging katuwang sa pagsusulong ng pag-unlad ng lalawigan sa loob ng mahigit isang dekada.
“Nakaya nating lahat dahil nagsama-sama tayo sa iisang adhikain — mapaunlad ang ating lalawigan. Naging progresibo ito dahil sa ating pagtutulungan at pagkakaisa bilang mga Romblomanon,” pahayag ni Riano.
Hinimok din niya ang lahat na patuloy na suportahan ang darating na administrasyon, anuman ang kanilang pinanggagalingang pulitikal. Aniya, ang tunay na layunin ay mas maayos na kabuhayan para sa bawat Romblomanon.
Binigyang-diin din ng gobernador ang mahalagang papel ng mga kawani ng pamahalaan sa pagpapatuloy ng serbisyo publiko:
“Lagi kong sinasabi, ‘kaming mga lider niyo ay come and go; kaya’t lahat nawa ng empleyado ay magtulungan at mas pagbutihin ang serbisyo publiko dahil kayo ang mananatili hanggang sa inyong pagretiro.’”
Magtatapos ang termino ni Gov. Jose Riano sa darating na Hunyo 30.