Pinaalalahanan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng kandidato sa katatapos lamang na 2025 midterm elections na magsumite ng kanilang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) sa June 11.
Ayon kay DILG Palawan Local Government Operations Officer Leny Escaro-Alcantara, obligadong magsumite ng SOCE sa Commission on Elections (COMELEC) ang lahat ng kandidato—panalo man o talo—sa pambansa at lokal na halalan. Ang hindi pagsusumite ng SOCE ay maaaring mauwi sa diskwalipikasyon at pagtanggal sa posisyon.
“Kapag hindi tayo nag-submit, puwede tayong ma-disqualify. Kahit na tayo ay nanalo at naiproklama na, kung hindi pa rin tayo nagsumite ng SOCE, puwede tayong habulin para matanggal sa pwesto,” ani Alcantara.
Ayon sa pahayag ng COMELEC, lahat ng kandidato—pambansa man o lokal—maging mga political party at party-list organization, ay kailangang magsumite ng SOCE sa loob ng 30 araw mula sa araw ng halalan, batay sa Republic Act No. 7166.
Sa ilalim ng Seksyon 14 ng nasabing batas, sinumang halal na opisyal ay hindi maaaring manungkulan hangga’t hindi pa nakapagsusumite ng SOCE. Saklaw rin ng batas ang mga partidong politikal na hindi nakapagsumite ng ulat sa itinakdang panahon.
Pinayuhan ng city o municipal election registrar ang lahat ng kandidato sa kanilang nasasakupan na tuparin ang kanilang obligasyon na magsumite ng SOCE. Ang unang paglabag ay maaaring magresulta sa multa, habang ang ikalawang paglabag ay maaaring humantong sa habambuhay na diskwalipikasyon.
“Sa lahat—nanalo ka man o natalo—kailangan natin magsumite ng SOCE sa COMELEC at napakahalaga nito,” dagdag pa ni Alcantara.



































