Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang pagpapatupad ng general amnesty para sa mga may hindi nabayarang kontribusyon, na magbibigay ng isang beses na pagkakataon sa mga negosyante, pribadong employer, at self-employed members na makapagbayad nang walang interes at multa.
Sa mensaheng inilabas ng Pangulo sa kanyang opisyal na social media account nitong Huwebes, sinabi niyang layon ng hakbang na maibsan ang bigat na pinapasan ng mga miyembro pagdating sa gastusin sa serbisyong pangkalusugan.
Bilang bahagi ng kautusan, ipinatupad ang one-time waiver sa tatlong porsiyentong buwanang interes na ipinapataw sa mga hindi nabayarang premium contribution, na ayon sa Pangulo ay dagdag pabigat sa mga miyembrong nahihirapang ayusin ang kanilang obligasyon sa PhilHealth.
Tinatayang aabot sa 300,000 miyembro ng PhilHealth ang inaasahang makikinabang sa naturang general amnesty.
Ayon pa kay Pangulong Marcos, bibigyan ng isang taon ang mga sakop ng amnesty upang mabayaran ang lahat ng hindi nahulog na kontribusyon mula 2013 hanggang 2024.
Hinikayat din ng Pangulo ang mga employer na i-update ang records ng kanilang mga empleyado at tiyaking nakarehistro ang mga ito sa PhilHealth YAKAP (Yaman ng Kalusugan Program), isang pinalakas na primary care program na nagbibigay ng libreng konsultasyon, mahahalagang gamot, laboratory tests, at cancer screening upang mapalakas ang early detection at mabawasan ang gastusin sa kalusugan.
Binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang patuloy na pangako ng pamahalaan na pagaanin ang gastusin ng mga Pilipino sa healthcare, kasabay ng pagtugon sa iba’t ibang hamong kinahaharap ng mamamayan araw-araw.


































