Halos maabot ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Romblon ang kanilang target enrollees noong 2024 matapos umabot sa 6,222 ang bilang ng mga nagpatala sa iba’t ibang TESDA-accredited schools sa buong lalawigan.
Sa ginanap na Kapihan sa PIA Romblon nitong March 13, ibinahagi ni TESDA Romblon Provincial Director Vanessa Jane Aceveda na katumbas ito ng 95% ng kanilang target enrollees.
Samantala, lumagpas naman sa 100% ang kanilang accomplishment pagdating sa mga natulungang makapagtapos, ma-assess, at mabigyan ng National Certificate (NC).
Para matiyak ang patuloy na pagsuporta sa technical-vocational education ngayong 2025, naglaan ang TESDA ng mahigit ₱25 milyon para sa iba’t ibang scholarship programs. Kabilang dito ang Training for Work Scholarship Program, Private Education Student Financial Assistance, Special Training for Employment Program, Tulong Trabaho Scholarship Program, Coconut Farmers Scholarship Program, at ang Diploma Program sa ilalim ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act.
Ngayong taon, nasa 1,254 scholarship slots ang inihanda para sa mga taga-Romblon na nais kumuha ng libreng pagsasanay sa TESDA.
Sa kasalukuyan, may 91 vocational courses na inaalok sa lalawigan, kabilang ang Bread and Pastry Production NC II, Driving NC II, Masonry NC II, Tourism Promotion Services NC II, at Tile Setting NC II. Maaaring mag-enroll sa 21 accredited training institutions ng TESDA sa buong Romblon upang makuha ang kinakailangang kasanayan para sa iba’t ibang industriya.