Nanawagan si Senate President Francis “Chiz” Escudero sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na bawiin at ikansela ang mga mining exploration permit na matagal nang hindi nagagamit ng mga kumpanyang may hawak nito.
Ayon kay Escudero, ang hindi paggamit ng mga permit ay salungat sa layunin ng Republic Act No. 7942 o Philippine Mining Act of 1995, na naglalayong gamitin ang yamang mineral ng bansa para sa pambansang kaunlaran.
“Kung hindi ka tumupad sa napagkasunduan na dapat gawin sa loob ng takdang panahon, dapat tanggalin o kanselahin na ang exploration permit o `yung MPSA (mineral production sharing agreement)—sino ka man, ano man pangalan o apelyido mo o kompanyang kinabibilangan mo,” pahayag ng senador.
Dagdag pa niya, dapat ibalik sa gobyerno ang mga hindi ginagamit na permit upang ito ay i-bid out sa ibang interesadong kumpanya na may kakayahang iproseso ang mga mineral resources ng bansa.
Kasunod nito, naghain si Escudero ng Senate Resolution No. 1310 upang imbestigahan ang maraming bilang ng mga hindi aktibo, hindi gumagana, at hindi nagagamit na exploration permits at mineral agreements, na labag sa polisiya ng Philippine Mining Act.
Binatikos din ng senador ang ilang kumpanya na aniya’y inuupuan lamang ang kanilang mining permits upang hintayin ang pagtaas ng halaga ng mga mineral bago ito ibenta sa ibang interesadong mamumuhunan.
“Hindi nila pribadong pagmamay-ari ‘yan. That is owned by the State,” ani Escudero, na nanghihinayang sa hindi napapakinabangan ng bansa ang likas na yamang mineral nito, sa kabila ng pagiging ikalima sa may pinakamalaking mineral reserves sa mundo at ikalawa sa pinakamalaking producer ng nickel ore.