Nasa Finals na ang UAAP Season 87 Men’s Basketball Tournament kung saan maghaharap muli ang De La Salle University Green Archers at University of the Philippines Fighting Maroons.
Umabante sa Finals ang dalawang koponan matapos talunin ang kanilang katunggali sa Final 4: tinalo ng UP ang UST Growling Tigers, habang pinataob ng DLSU ang Adamson Soaring Falcons. Ito ang rematch ng dalawang team na naglaban din noong nakaraang season.
Bagamat hindi nakapasok sa Finals, nagbigay-daan sa Final Four ang mahusay na laro ni Cedrick Manzano, ang 21-year-old, 6’5” big man ng Adamson University Soaring Falcons. Mula sa Barangay Danao, Cajidiocan, Romblon, si Cedrick ang bunso sa anim na magkakapatid ng mag-asawang Danilo at Liza Manzano. Sa kanyang panahon sa Falcons mula 2021, dalawang beses na niyang nadala ang koponan sa Final Four. Sa kabila ng kanyang standout performance, ibinabahagi niya ang kredito sa kanyang mga teammates at head coach na si Nash Racela, na patuloy na sumusuporta at nagtitiwala sa kanya.
Pag-usbong ng Kanyang Basketball Career
Noong elementary at high school sa Danao Elementary School at Danao National High School, volleyball ang unang sport ni Cedrick. Dahil sa kanyang tangkad at athleticism, kinumbinsi siya ng kanyang nakatatandang kapatid na si Carl na lumipat sa basketball. Noong Grade 11, natuklasan siya nina Florence at Vincent Conlu, ang kanyang unang mga basketball coach. Ang karera niya sa basketball ay nagsimulang magbukas noong 2021 nang mapansin siya ni Ryan Monteclaro, dating player ng Adamson at kasalukuyang head coach ng Adamson Women’s Basketball Team, sa isang pick-up game.
Nang pumasok siya sa Adamson University noong 2021, kasabay din niyang pumasok si Nash Racela bilang head coach ng Soaring Falcons. Mula noon, naging mahalaga si Cedrick sa tagumpay ng kanilang koponan.
Mga Plano para sa Hinaharap
Sa susunod na taon, magiging 4th year Hospitality Management student na si Cedrick at ito na rin ang huling taon niya ng UAAP eligibility. Tinanong namin siya kung plano na niyang mag-apply sa PBA Draft. Ayon sa kanya, pinag-iisipan niya ito nang maigi kasama ang kanyang pamilya at manager na si Edgas Mangahas. Ang payo naman ng kanyang coach na si Nash Racela ay sundin kung ano ang makabubuti para sa kanyang karera.
Kung magpapasya siyang sumali sa PBA Draft, gusto niyang mapunta sa Magnolia Hotshots, kung saan naroon ang dating teammate niyang si Jerom Lastimosa. Kung palarin, magiging pangatlong PBA player si Cedrick mula sa probinsya ng Romblon, kasunod nila Oscar “Biboy” Rotoni Simon, dating PBL Champion mula sa Danao, at Jansen Rios, dating PBA Champion na naglaro rin para sa Adamson Falcons.
Si Cedrick ay hindi lamang inspirasyon para sa Adamson University, kundi pati na rin sa kanyang mga kababayan sa Romblon na patuloy na naniniwala sa kanyang kakayahan at potensyal na umangat pa sa larangan ng basketball.