Itinanghal na kampeon ang Chess Team ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa SCUAA 2024, na ginanap noong December 2–4, 2024, sa PUP Graduate School Library.
Nakapagtala ng kabuuang 22 puntos ang PUP, sapat upang masungkit ang titulo. Pumangalawa ang Rizal Technological University (RTU) na may 18 puntos, habang ang Philippine Normal University (PNU) ay nasa ikatlong puwesto na may 15 puntos.
Ang iba pang mga koponan ay sina Eulogio “Amang” Rodriguez Institute of Science and Technology (EARIST) na may 14.5 puntos (ikaapat na puwesto), Philippine State College of Aeronautics (7 puntos, ikalima), Technological University of the Philippines (4.5 puntos, ikaanim), at Marikina Polytechnic College (3 puntos, ikapito).
Isa sa mga bumida at malaki ang naging ambag sa tagumpay ng PUP Radicals Chess Team ay si Divine Mercy Galindo, 22 taong gulang, mula sa Barangay Danao, Cajidiocan, Romblon sa Sibuyan Island. Anak nina Raymond at Cristy Galindo, si Divine ay naglaro nang walang talo sa anim na laban, dahilan upang makuha niya ang gold medal sa individual category at ang kampeonato para sa kanyang koponan.
Hindi na bago kay Divine ang ganitong mga torneo. Bata pa lang siya ay nahasa na siya sa larong chess. Malaki ang naging impluwensiya sa kanya ng kanyang tiyuhing si Arena Grandmaster (AGM) Joseph Galindo at ng kanyang lola na si Mila Galindo, dating guro ng PE at chess coach ng Danao National High School.
Noong Grade 4 siya, naging kinatawan siya ng Danao Elementary School sa District Meet. Bagamat hindi pinalad sa unang pagsali, nangako siyang babawi sa susunod. Sa Grade 5, kinatawan niya ang buong Romblon sa MIMAROPA Meet na ginanap sa Marinduque, kung saan nagtapos siya bilang 2nd placer. Sa kabila ng pagiging overage noong Grade 6 at hindi na nakasali, hindi ito naging hadlang upang magpatuloy siya sa chess.
Sa high school, kinailangan pang mag-solicit upang maisama ang kanyang event sa mga kumpetisyon. Gayunpaman, hindi ito naging sagabal sa kanyang determinasyon. Nirepresenta niya ang MIMAROPA sa Palarong Pambansa ng tatlong sunod na taon: noong 2017 sa Antique, 2018 sa Vigan, at 2019 sa Davao.
Kahit abala sa mga kumpetisyon, pinanatili ni Divine ang kanyang academic excellence. Nagtapos siya ng high school bilang With High Honors. Pagkatapos nito, sa tulong ng kanyang tiyuhing si Joseph, naipakilala siya kay Coach Rudy Ibañez, Chess Head Coach ng PUP, na naniwala sa kanyang kakayahan.
Bagamat hindi nakapaglaro noong 1st year dahil sa pandemya, bumawi siya noong 2nd year at nakasali sa SCUAA Competition. Sa parehong taon, naging kampeon ang PUP at nakakuha rin siya ng gold medal sa individual category. Dahil dito, napabilang siya sa NCR Team na naglaro sa Nationals sa Tarlac, kung saan nagtapos sila sa ikaapat na puwesto.
Sa kabila ng kabi-kabilang kompetisyon, nanatili siyang consistent sa academics, nagtapos bilang Presidential Lister at Dean’s Lister. Sa kasalukuyan, si Divine ay nasa ikaapat na taon ng kursong Bachelor of Science in Mathematics.
Ang SCUAA 2024 ang ikaapat na sunod na kampeonato ng PUP sa chess mula nang mapabilang si Divine sa koponan. Ang apat na taon ng walang talo sa kompetisyon ay maiiwan niyang pamana sa kanyang alma mater.
Matapos ang kanyang pagtatapos, nais ni Divine na tumulong sa mga kabataang chess player, lalo na sa kanyang pinanggalingang paaralan—ang Danao Elementary School at Danao National High School. Ang dedikasyon niya hindi lamang sa chess kundi pati sa edukasyon ay patunay na ang tagumpay ay kayang abutin sa pamamagitan ng sipag, tiyaga, at inspirasyon mula sa pamilya at mga mentor.