Ang 12-year-old Sta. Maria, Romblon native na si Jemaicah Yap Mendoza ay naglalayon ngayong makuha ang titulo bilang Women’s FIDE Master (WFM).
Magkakaroon siya ng pagkakataon na matamo ito sa kanyang pakikilahok sa Singapore International Open Chess Tournament 2024, na gaganapin sa November 29 – December 5, 2024 sa Resorts World Sentosa Convention Center sa Singapore.
Kasama ng Jemaicah sa kompetisyong ito ang 149 na chess players mula sa 35 bansa, lahat ay mga top-rated at mataas ang kaliber sa larangan ng chess.
Sa Philippine delegation, makakasama ni Jemaicah ang ilang mga Grandmaster tulad nina Daniel Quizon, Darwin Laylo, John Paul Gomez, Janelle Mae Frayna, International Master Oliver Dimakiling, Paulo Bersamina, Angelo Young, pati na rin ang FIDE Master Sander Severino at Arena Grandmaster Jasper Rom, at marami pang iba.
Ang huling international tournament na sinalihan ni Jemaicah ay ang Asian Juniors and Girls Championship noong Oktubre 2024 sa Tagaytay City, kung saan kinapos siya ng .02 points sa live Elo rating upang makuha ang Women’s FIDE Master title. Sa kasalukuyan, mayroon siyang 1844 Elo rating at layunin niyang makuha ang 1900+ rating sa nasabing torneo upang tuluyan nang makuha ang WFM title. Siya rin ang unang Women’s National Master mula sa probinsya ng Romblon.
Ang Singapore International Open Chess Tournament ay lalaruin gamit ang 9-round Swiss system format. Ang tatanghaling kampeon ay mag-uuwi ng 100,000 Singaporean dollars. Ang torneo ay magiging side event sa World Chess Championship, kung saan maghaharap sina Chinese defending champion Ding Liren at Indian rising star Gukesh Dommaraju.
Sa kanyang pagsali sa tournament, humihiling ng suporta at panalangin ang pamilya Mendoza para kay Jemaicah sa kanyang laban sa Singapore.
Discussion about this post