Tuluyan nang nakapasok sa FIBA Asia Cup 2025 ang Gilas Pilipinas matapos ma-sweep ang kanilang huling dalawang laro sa 2nd window ng FIBA Asia Cup 2025 Qualifying Tournament. Tinalo nila ang New Zealand Tall Blacks sa makapigil-hiningang laro, 93-89, at sinundan ito ng dominanteng panalo laban sa Hong Kong, 93-54. Parehong ginanap ang mga laban sa Mall of Asia Arena noong November 21 at 23, 2024.
Ang tagumpay laban sa New Zealand ay makasaysayan para sa Gilas Pilipinas, ito ang kanilang unang panalo kontra Tall Blacks sa limang laban sa loob ng walong taon. Nanguna si Kai Sotto, ang 7’3” center, na nagtala ng 19 puntos, 10 rebounds, at 7 assists, habang si Justin Brownlee ang naging top scorer ng koponan na may 26 puntos, 11 rebounds, at 4 assists. Sa crucial moments, nag-deliver si Chris Newsome ng isang dagger 3-point shot na nagpako sa pag-asa ng New Zealand na makabawi. Natapos ang laro na ang Gilas ay nasa rank 34 ng FIBA habang ang New Zealand ay nasa rank 22.
Sa kanilang laro kontra Hong Kong, ipinamalas ng Gilas ang total dominance mula umpisa hanggang matapos. Naging balance ang scoring ng koponan, na pinangunahan ni Carl Tamayo na nagtala ng 16 puntos, kasunod si Junemar Fajardo na may 14 puntos, si Justin Brownlee na nag-ambag ng 13 puntos, si CJ Perez na may 10 puntos, at ang double-double performance ni Kai Sotto na may 12 puntos at 15 rebounds.
Sa pagkaka-sweep ng Gilas sa 2nd window, pinanatili nila ang top spot sa Group B na may malinis na 4-0 kartada.
Dahil sa panalo ng New Zealand kontra Chinese Taipei sa hiwalay na laro, tuluyan nang nakapasok ang Gilas Pilipinas sa FIBA Asia Cup 2025. Gaganapin ito sa Jeddah, Saudi Arabia mula August 5–17, 2025. Kasama ng Gilas sa tournament ang mga nauna nang nag-qualify na koponan tulad ng Australia, Japan, New Zealand, at ang host country na Saudi Arabia.
Nakatakda ang 3rd window ng FIBA Asia Cup Qualifying Tournament sa February 20, 2025, kung saan muli nilang makakaharap ang Chinese Taipei, at sa February 23, 2025, muling magtatapat ang Gilas Pilipinas at New Zealand sa isang inaabangang rematch.
Discussion about this post