Handa nang idepensa ni Chinese Super Grandmaster Ding Liren, 32, ang kanyang titulo bilang World Chess Champion laban sa 18-year-old Indian Super Grandmaster na si Gukesh Dommaraju (kilala rin bilang Gukesh D) sa kanilang inaabangang bakbakan sa November 25 – December 13, 2024, sa Resorts World Sentosa, Singapore.
Nakuha ni Ding Liren ang World Chess Championship noong 2023 nang talunin niya ang Russian Grandmaster na si Ian Nepomniachtchi. Ang labanang ito ay naganap pagkatapos mag-withdraw si Magnus Carlsen, ang dating world champion mula sa Norway, sa kompetisyon dahil sa personal na mga kadahilanan. Sa kasalukuyan, si Ding ay nasa ika-23 puwesto sa pandaigdigang ranggo na may ELO rating na 2728.
Samantala, si Gukesh D, na may kasalukuyang ELO rating na 2871 at ika-5 sa buong mundo, ay nagwagi sa prestihiyosong Candidates Tournament 2024 na ginanap sa Toronto, Canada noong Abril 2024. Sa torneyong ito, tinalo niya ang ibang mga Super Grandmasters tulad nina Ian Nepomniachtchi, Rameshbabu Praggnanandhaa (India), Fabiano Caruana (USA), Nijat Abasov (Azerbaijan), Vidit Gujrathi (India), Hikaru Nakamura (USA), at Alireza Firouzja (France). Ang panalong ito ay nagbigay-daan kay Gukesh na maging pinakabatang manlalaro na nagwagi sa Candidates Tournament at ang pinakabatang lalaban para sa world title.
Inaasahang magiging matindi ang 14-game match sa pagitan nina Ding at Gukesh, na susundan ng tie-break kung sakaling magtapos sa tabla.