Umabot sa 15,124 na mga manlalaro at coaches ang naitala ng Philippine Sports Commission (PSC) na nakiisa sa pagbubukas ng Batang Pinoy sa Puerto Princesa nito lamang Nobyembre 23.
Sa mensahe ni PSC chairman Richard E. Bachmann, sinabi nito na natutuwa siyang makita ang mga ngiti at excitement ng mga batang bayaning manlalaro sa Batang Pinoy 2024.
“Lubos na nakakatuwang makita ang mga ngiti at excitement ng mga batang bayaning manlalaro dito sa Batang Pinoy 2024. Ang ating pagsasama-sama ngayon ay pagpapakita sa galing ng kabataang Pilipino na nagmula sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas. Sa mahigit 11,000 na kalahok dito sa Batang Pinoy kitang-kita ang sigla ng bagong Pilipinas na kumikilala sa galing ng mga kabataang Pilipino,” ang bahagi ng mensahe ni Bachmann.
Pinasalamatan din ni Bachmann si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa patuloy na suporta nito sa sports.
“I extend my gratitude to His Excellency Ferdinand Bongbong Marcos Jr. for the commitment in uplifting the grassroots sports initiative of the country,” ang mensahe ng pasasalamat ni Bachmann sa Pangulong Marcos.
Sinabi rin niya na ang Batang Pinoy ang simula ng karera ng mga Pilipinong manlalaro patungo sa mas marami pang karangalang ibibigay para sa kanilang pamilya at para sa bayan. Hinikayat din nito ang mga manlalaro na isa-puso ang diwa ng sports
“Ang bawat aral na ibibigay ng batang pinoy ay hindi lamang hakbang patungo sa inyong pinapangarap na tagumpay. Ito rin ang mahalagang gabay sa paghubog ng isang detertminadong atleta ar disiplinadong mamamayan ng basa,” ang pahayag pa ni Bachmann.
Sinabi naman ni Puerto Princesa City Mayor Lucilo R. Bayron na ang Batang Pinoy ay higit pa sa kompetisyon, ito ay isang pagdiriwang ng pagkakaibigan, pagkakaisa at ang pagpapahalagang tunay na Pilipino.
“Isang malaking prebilihiyo na sa pangatlong pagkakataon gaganapin ang Batang Pinoy National Championship sa lungsod ng Puerto Princesa, we hosted the Batang Pinoy in 2002, in 2019, and again this year 2024,” ang mensahe ni Bayron.
Nasa 30 iba’t ibang sports events ang paglalabanan ng mga manlalaro sa Batang Pinoy 2024. Ang mga ito ay ang Archery, Arnis, Athletics, Badminton, Basketball 3×3, Beach Volleyball, Boxing, Breaking, Chess, Cycling, Dancesport, Futzal, Gymnastics, Jiu-Jitsu, Judo, Kurash, Karate, Kickboxing, Lawn Tennis, Muay Thai, Obstacle Sports, Pencak Silat, Sepak Takraw, Soft Tennis, Swimming, Table Tennnis. Taekwondo, Weight Lifting, Wrestling, at Wushu.
Layunin ng Batang Pinoy na maka-develop at makadiskobre ng mga kabataang manlalaro na maaring mapasama sa Pambansang Koponan ayon sa kanilang mga laro.
Magtatagal naman hanggang sa Nobyembre 28 ang Batang Pinoy. (OCJ/PIA MIMAROPA-Palawan)
Discussion about this post