Dinala ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at Isiah Medical Hospital, sa pangunguna ni Odiongan Vice Mayor Diven Dimaala, ang libreng konsultasyon at laboratory tests para sa mga residente ng Carabao Island, partikular na sa mga miyembro ng PhilHealth, 4Ps, at mga senior citizen.
Sinimulan ng kanilang team ang pagbibigay ng mga serbisyong medikal sa Barangay Poblacion, at inaasahang magpapatuloy ang pag-ikot sa iba pang limang barangay ng isla.
Ang aktibidad na ito ay bahagi ng Konsulta Caravan ng PhilHealth, na naglalayong irehistro ang mas maraming tao sa Konsulta Program ng ahensya. Sa ilalim ng programang ito, maaaring makapag-avail ng libreng konsultasyon at laboratory tests ang mga rehistradong miyembro ng PhilHealth. Bukod dito, nagbigay din ang Isiah Medical Hospital ng libreng gamot para sa mga nangangailangan.
Sa kanyang mensahe, nagpasalamat si San Jose Mayor Egdon Sombilon sa PhilHealth at Isiah Medical Hospital para sa programa.
“Ako at ang buong Lokal na Pamahalaan ng San Jose ay lubos na nagpapasalamat sa pamunuan ng Isiah Medical Hospital, sa pangunguna ni Hon. Diven Dimaala, at sa PhilHealth, para sa Konsulta Program na dinala dito sa aming bayan. Malaking tulong ito lalo na sa kakulangan ng serbisyong medikal sa San Jose,” pahayag ni Mayor Sombilon.
Dagdag pa niya, ang programa ay naglalayong mailapit ang mga serbisyong medikal tulad ng check-up, x-ray, laboratoryo, at mga libreng gamot sa mga residente, na dati ay kinailangang magtungo pa sa ibang isla para lamang makuha ang mga ito.
Inaasahang mananatili sa San Jose ang team ng PhilHealth at Isiah Medical Hospital hanggang sa October 6 upang matiyak na maabot ang lahat ng nangangailangan ng serbisyong medikal sa isla.
Discussion about this post