Isang grupo ng mga magsasaka sa San Jose, Romblon, na benepisyaryo ng Special Area for Agricultural Development (SAAD) program ng Department of Agriculture (DA), ang kumita ng P45,000 sa loob ng dalawang buwan.
Ayon sa Jolyn’s Vegetables and Fruits Association, nakabenta sila ng halos 1,000 kilo ng iba’t ibang klase ng gulay mula nang magsimula silang magtanim noong Mayo. Ang grupo ay nagtanim ng 2030 packs ng binhi ng gulay na ipinagkaloob ng gobyerno bilang bahagi ng mga interbensiyon nito.
Ibinahagi ng asosasyon na malaking tulong ang mga ayuda mula sa DA, lalo na’t naapektuhan ang kanilang kabuhayan ng El Niño. Sa tulong ng pamahalaan, mabilis silang nakabangon at nagpatuloy sa pagtatanim pagkatapos ng mga unang pag-ulan.
Pinuri naman ng DA SAAD ang kanilang kasipagan.
“Malaki ang aking pasasalamat sa Jolyn’s Vegetable and Fruits Association. Sa tulong ng aming Area Coordinator na si Jercel Catubig, ang inyong sigasig ay nagbunga na, at patuloy kaming susuporta para mapabuti ang inyong kabuhayan,” ayon kay Marissa Vargas, SAAD regional officer.
Sa kasalukuyan, patuloy na nagtatanim ang grupo para sa kanilang susunod na anihan, umaasang magpapatuloy ang kanilang tagumpay sa mga darating na buwan.
Discussion about this post