Pormal na naghain ng kanilang Certificates of Candidacy (COCs) ang dalawang pangunahing partido sa probinsya ng Romblon, Team BOTIKA at Serbisyong May Puso, noong ika-8 ng Oktubre 2024 bilang paghahanda para sa darating na Halalan 2025.
Isang masiglang parada ang naganap, pinangunahan ng Team BOTIKA, mula sa Romblon Municipal Office patungo sa Romblon Provincial Capitol. Kasama sa parada ang mga kandidato ng munisipyo ng Romblon, mga Sangguniang Kabataan, at mga tagasuporta, na nagbigay kulay at sigla sa simula ng kampanya para sa darating na eleksyon.
Pagkatapos ng parada, pormal nang naghain ng kanilang mga COCs sa COMELEC ang walong kandidato ng Team BOTIKA, kabilang sina Congressman Budoy Madrona, Governor Otik Riano, at Vice Governor Arming Gutierrez. Para sa Sangguniang Panlalawigan, naghain din sina Gudz Mortel, Nene Solis, Atty. Abner Perez, at Aaronn Joseph Riano (anak ni Governor Riano) para sa District 1, at sina Doc Boy Maravilla, Jojo Beltran, DJ Bing Solis, at Irene Morgado para sa District 2.
Sumunod naman ang Serbisyong May Puso na pinangunahan nina Odiongan Mayor Trina Firmalo-Fabic at environmentalist na si Rodne Galicha. Para sa Sangguniang Panlalawigan, naghain ng kanilang mga COCs sina Cary Falculan, Japhet Rios, Mario Roldan, at Johana Aura Tan para sa District 1, habang sina Ricmel Falqueza, Alexander Formento, Melwin Punzalan, at Joey Venancio naman para sa District 2.
Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na opisyal na anunsyo mula sa COMELEC tungkol sa kabuuang bilang ng mga kandidato para sa Halalan 2025 sa probinsya ng Romblon.