Ramdam hanggang sa probinsya ng Romblon ang naranasang pagtaas ng presyo ng bigas noong nakaraang buwan bago pa man ipatupad ang ‘price cap’ na utos ni Pangulong Bongbong Marcos Jr.
Ayon sa Philippine Statistics Authority – Romblon, ang inflation ng bigas noong nakaraang buwan ay umakyat sa 13.5% kumpara sa 2.7% noong nakaraang Agosto.
Base sa datus ng PSA, naglalaro noong Setyembre ang regular milled rice sa P48 habang ang well-milled rice ay naglalaro sa P53 at P76 naman ang special rice.
Paliwanag ni Engr. Johnny Solis, Chief Statistical Specialist ng PSA Romblon, nagsagawa umano sila ng survey para sa inflation ng Setyembre ay hindi pa naipatutupad ang price cap.
Sa September 2023 inflation report ng Romblon, bumilis ang inflation sa probinsya ng 9.7%, higit na mas mataas sa nakaraang mga buwan.
Samantala, posible umanong maibsan ang pagtaas sa presyo ng bigas sa probinsya dahil nagsimula na rin ang anihan sa mga sakahan sa lalawigan paliwanag ni Analiza Escarilla ng DA Mimaropa.
Aniya, nagsasagawa na sila ng monitoring sa mga palengke para masigurong mabantayan ang presyo ng bigas sa probinsya.
Tuloy-tuloy rin aniya ang intervention ng kanilang ahensya sa mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng binhi at mga abuno para sa mga ito.