Nagsagawa ng pagsasanay sa Cacao Processing, Machine Operation and Maintenance na pinangunahan ng DTI Romblon sa SSF Cacao Processing Center sa bayan ng Odiongan, Romblon para sa mga miyembro ng Romblon Cacao Agricultural Cooperative at ilang magkakakaw mula sa iba’t ibang bayan.
Ayon sa Odiongan Public Information Office, ito ay joint program sa pagitan ng LGU Odiongan at DTI Romblon na naglalayong masimulan ang industriya ng pagproseso cacao sa Odiongan.
Bilang suporta ng lokal na pamahalaan, ipinagawa nito ang bagong pasilidad sa loob ng Odiongan Public Market Complex na gagamitin bilang shared facility ng post-harvesting process ng cacao. Nasa pasilidad na rin ang mga makinang kaloob ng DTI para mapabilis ang pagproseso at matiyak ang kalidad nito.
Ang pagbubukas ng pagsasanay ay pinangunahan nina DTI Provincial Director, Noel DR. Flores at ni Dr. Ramer Ramos bilang kinatawan ng lokal na pamahalaan.