Bukas na muli sa publiko ang sikat ng Bonbon beach sa bayan ng Romblon, Romblon matapos ang ilang buwang pagsasara rito para sa paglilinis at pagsasaayos sa lugar.
Ayon kay Romblon mayor Gerard Montojo, may entrance fee na ngayon ang pagpasok sa sikat na pasyalan para sa pagpapanatili ng kalinisan nito at iba pang amenities. P60 pesos ang regular na entrance fee sa lugar at 50% discount naman kung Senior Citizen, PWD, at K-12 student.
Sinabi rin ng alkalde na stikto nilang babantayan ang lahat ng magdadala ng plastic sa lugar para masigurong hindi maiiwan ang mga plastic containers sa sikat na beach.
Ipinagbabawal na rin ang pagdadala ng mga alagang hayop sa loob ng beach.
Bukas ang Bonbon Beach araw-araw mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.
Matatandaang isinara ito noong Hulyo nang nakaraang taon para sa malawakang clean-up drive na isasagawa ng lokal na pamahalaan at mga environmentalist sa nasabing beach. Nanatili itong sarado hanggang noong Disyembre.