Hinimok ang mga kooperatiba at non-government organizations (NGOs) na palakasin ang pagtutulungan upang matulungan ang mga micro-enterprises na maging mas organisado, sustainable at market-oriented.
Tinalakay ang panawagan sa Social Enterprise Week 2026 na ginanap sa Odiongan Covered Court, kung saan sinabi ni Saint Vincent Co-Op Chairperson Sandy Moreno na mahalagang magkaroon ng access sa puhunan at suporta mula sa mga kooperatiba ang mga nagpapatakbo ng maliliit na negosyo.
Ayon kay Moreno, maaaring makatulong ang pagiging miyembro ng kooperatiba upang magkaroon ng access sa financing at mapatatag ang kabuhayan.
Ipinaliwanag din niya ang konsepto ng “small brother-big brother relationship” sa sektor ng kooperatiba, kung saan maaaring magtulungan ang malalaki at maliliit na kooperatiba sa pagbibigay ng puhunan, produkto at pangunahing serbisyo sa kanilang mga komunidad.
Binigyang-diin din sa talakayan ang kahalagahan ng pagbuo ng mga organisadong asosasyon na maaaring maging kooperatiba at mairehistro sa Cooperative Development Authority (CDA), upang magkaroon ng mas maraming oportunidad na makakuha ng suporta at mapalawak ang operasyon.
Samantala, sinabi ng isa pang tagapagsalita na mas magiging epektibo ang pagtulong sa maliliit na negosyo kung magtutulungan ang mga organisasyon.
Layunin ng mas matibay na partnerships at cooperative networking na magkaroon ng pangmatagalang suporta ang mga micro-enterprises upang mapalago at mapanatili ang kanilang negosyo.


























