Bilang preparasyon sa pagbubukas ng pasukan ngayong Oktubre, ang Lokal na Pamahalaan ng Odiongan ay naglatag ng iba’t ibang printing centers sa bayan ng Odiongan na siyang mag-iimprenta ng mga modules para sa lahat ng pampublikong paaralan sa bayan.
Noong Lunes, pinangunahan ni Mayor Trina Firmalo-Fabic ang pagbibigay ng mga makinang pang-imprenta ng mga modules para sa mga paaralan na kanilang nasusukapan kabilang na ang pitong risograph machine at dalawang heavy duty photocopiers.
Inilagay sila sa Odiongan South and North District Offices, Odiongan National High School, at Libertad National High School.
Bukod pa rito, nagbigay rin ng alokasyon ang lokal na pamahalaan para sa dalawang risograph machine ng “printing center” na gagamitin ng mga pribadong paaralan.
Ang risograph machine ay isang makinang nakakapag-imprenta ng 130 na pahina kada minuto. Ito ay mas mabilis kumpara sa photocopier at inkjet desktop printers kaya naman siguradong maipapamigay ng mga paaralan sa takdang oras ang modules na kakailanganin ng mga estudyante.
Dagdag pa rito, nakapaglaan at nakapagbigay na rin ng humigit kumulang 3,798 na reams ng coupon bonds, mga ink supplies, at office school supplies para sa lahat ng mga paaralan sa bayan.