Inaasahang aabot sa 1.93 milyong pasahero ang daraan sa mga pantalan sa buong bansa mula Oktubre 27 hanggang Nobyembre 5 kaugnay ng paggunita sa Undas, ayon sa Philippine Ports Authority (PPA).
Mas mataas ito ng 1.55 porsiyento kumpara sa 1.90 milyong pasaherong naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ayon sa PPA, nakahanda ang ahensya sa inaasahang pagdagsa ng mga biyahero. Gayunman, maaaring makaapekto sa bilang ng mga pasahero ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, gasolina at pamasahe.
Sinabi ni PPA Assistant General Manager for Operations Atty. Mark Jon Palomar na kabilang sa mga salik na isinasaalang-alang ang pagmahal ng mga tiket at ang mas maikling Undas break ngayong taon.
Batay sa pagtataya ng PPA, inaasahang pinakamaraming pasahero ang daraan sa Iloilo River Wharf, kasunod ang Babak Port, Batangas Port, Jordan Port at Sasa Port.
Pinayuhan naman ng PPA ang mga pasahero na planuhin nang maaga ang kanilang biyahe, tiyakin ang iskedyul ng mga sasakyang-dagat, at maglaan ng sapat na oras para sa pagdating sa pantalan upang maiwasan ang abala sa panahon ng inaasahang pagdami ng mga biyahero.

























