Hiniling ng Sangguniang Panlalawigan ng Romblon ang pagdaragdag ng mga tauhan ng seguridad at law enforcement sa Sibuyan Island upang mapalakas ang operasyon laban sa ilegal na small-scale mining at iba pang paglabag sa mga batas pangkalikasan.
Ipinasa sa sesyon ng SP noong Biyernes, Oktubre 23, ang isang resolusyon na humihiling sa Department of National Defense (DND), Armed Forces of the Philippines (AFP), sa pamamagitan ng Philippine Army, at Philippine National Police (PNP), na makapag-deploy ng karagdagang mga tauhan sa isla sa pakikipag-ugnayan sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Partikular na binibigyang-pansin sa resolusyon ang Mt. Guiting-Guiting Natural Park at iba pang natukoy na lugar na pinaghihinalaang pinagdarausan ng ilegal na pagmimina.
Layunin ng kahilingan na mapanatili ang mga operasyon laban sa small-scale mining na walang kaukulang pahintulot at iba pang aktibidad na lumalabag sa mga batas pangkalikasan.
Inakda ang resolusyon nina mga miyembro ng SP na sina Cary Falculan, Aaronn Joseph Riano, Maria Rhosarean Solis, Herminio Mortel, Irene Lourdes Morgado-Ortiz, Natalio Beltran III, at Ricmel Falqueza.
























