Natanggap na ng aabot sa 1,131 na trabahador ng 84 na kompanya sa lalawigan ng Romblon ang kanilang ayuda mula sa COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP) ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Ayon sa mensahe na ipinadala ni Provincial Director Roderick Tamacay sa Romblon News Network nitong Lunes, last week pa nagsimulang kumuha ng ayuda ang mga benepisyaryo ng nasabing programa sa remittance center na partner ng DOLE.
Aniya, ang 84 na nabigyan ngayong second batch ay dagdag sa 4 na kompanya na nabigyan noong unang mga linggo ng Abril.
Batay sa datus ng DOLE-Romblon, aabot lamang sa 88 sa 645 na kompanya na aplikante sa kanilang CAMP ang nabigyan ng ayuda dahil sa kakapusan ng budget ng kanilang ahensya o aabot lamang sa 1,154 sa 6,950 na trabahador ang kanilang napondohan.
Ang mga hindi umano naisama sa programa ng DOLE ay hinihikayat na mag-apply sa small-business wage subsidy ng Department of Finance.