Nakauwi na sa kani-kanilang mga munisipyo ang mga estudyante na na-stranded sa bayang ito matapos maabutan ng tigil pasada ng mga pampublikong sasakyan dahil sa ipinatutupad na enhanced community quarantine dahil parin sa coronavirus disease 2019 o Covid-19.
Batay sa datus ng Task Force for Stranded Students (TFSS) na binuo ng Romblon State University at pinangungunahan ni Maria Charmaine Gaa, RSU GAD Director, aabot sa 129 na mga estudyante ang nakauwi mula March 20 hanggang noong April 4, 2020.
Ang bilang ng mga estudyante na tinulungan ng Task Force para makauwi ay binubuo ng mga mag-aaral mula sa Romblon State University, Erhard Systems Technological Institute, Philippine Science High School, at Foursquare Bible College
Sa pagtutulungan ng lokal na pamahalaan ng Odiongan, Romblon State University, DILG, Office of the Congressman, Office of the Governor at Vice Govenor, ay matiwasay na nakauwi ang mga estudyante sa kani-kanilang mga lugar kagaya ng mga estudyanteng patungong isla ng Banton, Simara, Romblon at Sibuyan na kinailangan pang itawid ng dagat sakay ng pumpboat.
Maaalalang, nagpasa ng executive order si Governor Jose Riano na pumapayag na pauwiin ang mga estudyanteng na-stranded sa Odiongan dahil sa ipinatutupad na enhanced community quarantine basta hindi lalabas ng probinsya ng Romblon, batay ito sa rekomendasyon ng Inter Agency Task Force for the Management Emerging Infectious Disease (IATF-MEID).
Ituturing na mga patients under monitoring (PUM) ang mga estudyante pagdating sa kani-kanilang mga bayan, at kinakailangang kusang magsailalim sa 14-day mandatory quarantine bago lumabas ng kanilang mga bahay.