Namahagi ang Department of Agriculture (DA) MIMAROPA ng 50 hydroponics kits na nagkakahalaga ng ₱196,470 sa mga estudyante ng Romblon State University (RSU) sa San Andres, Romblon noong Oktubre 22 upang mahikayat ang kabataan na matuto at magsanay sa makabagong pamamaraan ng pagtatanim.
Isinagawa ang pamamahagi sa ilalim ng National Urban and Peri-Urban Agriculture Program (NUPAP), na naglalayong palawakin ang produksyon ng mga sariwang gulay kahit sa mga lugar na limitado ang espasyo para sa tradisyonal na pagsasaka.
Binubuo ang mga ipinamahaging kagamitan ng hydroponics boxes at Nutrient Solutions A and B na ginagamit sa pagtatanim nang hindi umaasa sa lupa. Kabilang sa mga gulay na maaaring itanim sa ganitong sistema ang lettuce, pechay, mustasa at iba pang madahong gulay.
Inaasahang magagamit ng mga estudyante ang mga kit upang maisagawa ang kanilang mga natutuhan tungkol sa urban agriculture at hydroponics, gayundin upang matutuhan ang pagtatayo ng mga simpleng sistema ng pagtatanim sa kanilang mga tahanan, paaralan at komunidad.
Sa press release ng DA MIMAROPA, sinabi nito na sa pangunguna ni Regional Executive Director Christopher Bañas, patuloy na isinusulong ng ahensya ang pagpapalawak ng kaalaman at kasanayan ng mga kabataan sa agrikultura bilang bahagi ng mga pagsisikap na mapalakas ang produksyon ng gulay at seguridad sa pagkain sa mga komunidad.


























