Hinimok ng Department of Health (DOH) MIMAROPA ang kababaihan na magpasuri at huwag ipagwalang-bahala ang mga kakaibang pagbabago sa kanilang katawan upang makatulong sa maagang pagtuklas ng breast at cervical cancer.
Sa isinagawang Breast and Cervical Cancer Awareness Campaign sa Alcantara, sinabi ni Romalyn Racho, unit head ng Health Education and Promotion Office ng DOH MIMAROPA, na kabilang sa mga dahilan ng pagkaantala ng pagpapatingin ang takot, hiya, kakulangan sa kaalaman at pangamba sa gastusin.
Ayon kay Racho, mas malaki ang pagkakataon para sa maagap na paggamot kapag maagang natutukoy ang sakit. Binigyang-diin din niya na hindi awtomatikong nangangahulugan ng kamatayan ang pagkakaroon ng breast o cervical cancer.
Sa temang “Be Your Own Breast Friend,” hinikayat niya ang kababaihan na kilalanin ang kanilang katawan, maging mapagmatyag sa mga kakaibang pagbabago sa dibdib, at agad kumonsulta sa health professional kapag may napansing hindi pangkaraniwan.
Pinaalalahanan din ni Racho ang mga kababaihan na sundin ang payo ng mga health professional hinggil sa regular na pagpapasuri at huwag hayaang maging hadlang ang takot o hiya sa paghingi ng tulong medikal.
Binigyang-diin din niya na mahalagang bahagi ng pangangalaga sa sarili ang pagbibigay-pansin sa sariling kalusugan, kasabay ng pag-aalaga sa pamilya at mga mahal sa buhay.


























