Nanatiling kanselado ang klase sa lahat ng antas ng pribado at pampublikong paaralan sa buong lalawigan ng Romblon bukas, December 03, dahil sa banta ng bagyong #TisoyPH na patuloy na lumalapit sa kalupan ng bansa.
Ayon kay Governor Jose Riano, inaasahang bukas pa dadaan ang bagyo malapit sa probinsya ng Romblon kaya mananatiling walang klase sa probinsya.
Nakasaad sa memorandum order na inilabas noong Linggo ng Provincial Government na mananatiling walang klase hangga’t hindi ito binabawi.
“Suspension of classes at all levels both public and private schools in the whole province of Romblon is hereby declared effective 11:00 AM of December 01, 2019,” ayon sa Memorandum Order No. 189-2019 na pinirmahan ni Riano.
Samantala, wala ring pasok ang mga pampubliko at pribadong opisina simula ngayong araw sa mga bayan ng Corcuera, San Agustin, Odiongan, at Looc, hanggang sa bawiin ang order ng bawa’t munisipyo.