Binisita ng mga kawani ng Romblon Police Provincial Office ang mga katutubong ‘Sibuyan Mangyan Taga Bukid’ sa San Fernando, Romblon nitong ika-30 ng Agosto upang maghatid ng tulong sa mga batang nakatira sa lugar.
Maliban sa pakikipaglaro sa mga bata, namahagi rin ang mga pulis ng 70 pares ng tsinelas na pambata at nagpagkain rin ng mga residente sa Sitio Cruz, Barangay Taclobo.
Binigyan rin ng mga pulis ng isang handheld radio ang kanilang Tribal Chieftain na si Daniel Recto, para may magamit kung may emergency sa kanilang baryo.
Ayon kay Recto, halos anim (6) na kilomtero ang kanilang layo sa kapatagan kaya malaking bagay umano ang ibinigay na handheld radio ng mga pulis lalo na kung may nangangailangan ng tulong sa kanyang nasasakupan.
Ang aktibidad ay bahagi ng ‘Padyak para sa Kalikasan, Romblomanon Paigtingin ang Ugnayan Tungo sa Kapayapaan’ ng Romblon Police Provincial Office sa pangunguna ni Provincial Director, Police Col. Arvin Molina.
Maalalang noong nakaraang buwan ay tumungo rin ang mga kapulisan sa Sitio Layag sa parehong barangay para naman mamigay ng pagkain at mga damit.