Mahigit tatlong taon ng ginagawa ang Punong Bridge sa bayan ng San Fernando, Romblon ngunit hanggang ngayon ay hindi parin ito natatapos ng kontraktor ng Department of Public Works and Highways.
Ayon sa isang residente na lumapit sa programang Tutok Tulfo Reloaded sa Radyo Pilipinas, perwisyo umano ang kawalan ng tulay lalo na tuwing umuulan at malakas ang agos ng ilog dahil nahihirapan ang mga estudyante rito.
Batay sa kontrata, nagkakahalaga ng 75meters na tulay ng 69,480,577.22 pesos at dapat natapos na noong 2017 ngunit bigo itong magawa ng nanalong kontrakto.
Paliwanag ng Project Engineer nitong si Engr. Godofredo Villador sa programang Tutok Tulfo Reloaded ng Radyo Pilipinas, nagkaproblema umano ang kontraktor nitong Arky Construction & Supply sa ginawa nilang girder kaya hindi pa natutuloy ang construction.
Binigyan umano nila ng deadline ang Arky Construction & Supply para tapusin ang proyekto bago matapos ang December 2019 kung hindi ay posibleng ma-terminate ang kanilang kontrata sa gobyerno.
Humingi naman ng paumanhin sa mga taga-Romblon si DPWH Secretary Mark Villar dahil sa nasabing problema. Nangako rin ito na tutukan ng ahensya ang problema ng mga taga-San Fernando, Romblon.