Sampung lalaki kabilang ang dalawang barangay kagawad ang inaresto ng mga tauhan ng kapulisan matapos di umanong maaktuhang nag lalaro ng kara-krus sa isang layaman nitong madaling araw ng August 21 sa Barangay Tampayan, Magdiwang, Romblon.
Ang operasyon ay kinasa ng mga tauhan ng Romblon Provincial Mobile Force Company 3rd Manaeuver Platoon, San Fernando Municipal Police Station at Magdiwang Municipal Police Station.
Ayon sa Magdiwang Municipal Police Station, nagsagawa sila ng operasyon sa lugar matapos makatanggap ng impormasyon na talamak di umano ang iligal na sugal sa bayan.
Batay sa police report, ‘caught in the act’ di umano ang sampung suspek na naglalaro ng kara-krus o mas kilala sa lugar nilang tombo. Nakuha ng mga kapulisan sa mga suspek ang bet money na aabot sa 3,141 pesos, 1 peso coin na may marking color, at lamisa kung saan di umano sila naglalaro.
Itinanggi naman ng isa sa mga naaresto na ang lahat ng hinuli ng pulis ay naglalaro ng kara-krus, ayon sa isa na nakusap ng Romblon News Network, nakikinuod lang siya sa laro nang mangyari ang raid ngunit nadamay umano siya sa mga hindi pinaalis sa lugar.
“Marami kami doon, ‘yung iba na malapit sa gate, nakatakas sa kanila, pero kami hinuli talaga kahit nakikinood lang kami, nagpapalipas lang ng antok kasi nga nasa lamayan,” pahayag ng isa sa mga dinakip.
Samantala, habang nagsasagawa ng body search ang pulisya, nakuhaan rin di umano nila ng dalawang sachet na pinaghihinalaang shabu ang isa sa sampung suspek na kinilalang si Januer Capispisan.
Nakalaya na ang siyam na dinakip matapos makapag piyansa sa sa kasong paglabag sa PD 1602/RA 9287 samantalang si Capispisan ay nanatili sa kulungan dahil sa dagdag kaso na paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.